Ako
Hindi ko alam kung masasabi ko bang masaya ako sa buhay bago kita nakilala, pero tanda ko pa yung mga pagbabago nung sa wakas ay sinagot mo na ako.
Tila mas maliwanag ang mundo, mas maaliwalas ang paligid, at mas sariwa ang hangin. Yung mga problemang madalas kong iniisip at inaalala ay parang hindi na ganoon kabigat. Napagtanto kong may mga bagay na dapat nang iwan sa nakaraan at hindi na bitbitin. Mas naintindihan ko yung konsepto na ang madali ay panandalian lamang at ang mahirap ay maaaring panghabambuhay.
Naalala ko nung isang beses na tinanong mo ako, "Paano lilipad ang mga saranggola kung hindi ibabato sa hangin?" Naglaro ang iyong tanong sa aking isipan. Hinanap ko ang sagot pero tanging isang ideya lang ang aking nakuha. Ako ang saranggola, ikaw ang hangin, at yung sinulid ang pagmamahalan natin.
Ikaw
Madalas nila akong tanungin nang may panghuhusga, "Bakit siya?" At ang lagi kong sagot ay, "Bakit hindi siya?"
May mga bagay na hindi sila alam tungkol sa iyo. Sa akin mo lang kasi pinapakita. Ngunit mabuti na rin 'yon, sapagkat alam kong hindi nila maiintindihan. Ikaw, gaya nila, ay parehong mabuti at masama. Na ang pagkatao mo ay hindi base sa kung paano ka nila nakikita, kundi sa kung paano mo pahalagahan ang iyong sarili. At iyon ang natatanging bagay na nagpapabatid sa akin na ikaw ang para sa akin.
Naalala ko nung bago tayo magdiwang ng ating ikalawang taon, pabiro kitang tinanong, "Kung maaari ba tayong magpakasal, papayag ka?" Napatingin ka at napangiti. "Oo naman," ang sagot mong walang pag-aalinlangan. Ang katapatan sa iyong mga mata'y nagparamdam sa akin na magiging maayos ang lahat.
Tayo
Wala na.
sep, nakakainis. ang sakit ng ganyan! huhuhu
ReplyDeleteomg nagpost ka pala ulit. and awts po.
ReplyDeleteSepsep!! nakakamiss yung mga sinusulat mo. huhuhuh binabalik balikan ko pa rin lahat ng sinulat mo :(
ReplyDelete